Ang The Dream of the Rood ay isa sa mga tulang sinasambit noon ng mga nagtitiwala kay Jesus. Ang salitang ‘rood’ ay sinaunang salita sa wikang Ingles na nangangahulugang poste at tumutukoy sa krus kung saan ipinako si Jesus. Binibigyangdiin sa tulang ito ang krus. Ayon sa tula, nang malaman daw ng puno na gagawin siyang krus kung saan ipapako ang Anak ng Dios, hindi pumayag ang puno. Pero hinikayat ni Cristo ang puno kung gaano kalaki ang maitutulong nito sa gagawing pagliligtas sa mga tao.
Sa hardin naman ng Eden, may isang puno na nagbubunga ng ipinagbabawal noon na kainin. Ang bungang iyon ang kinain ng ating ninuno kung kaya’t nagkasala ang lahat ng tao. Noon namang ialay ng Anak ng Dios ang Kanyang buhay para iligtas ang lahat ng tao sa kaparusahan sa kasalanan, ipinako Siya sa isang puno. “Si Cristo ang umako sa mga kasalanan natin nang ipako Siya sa krus” (1 PEDRO 2:24 ASD).
Malaki ang impluwensiya ng kamatayan sa krus ni Jesus sa kaligtasan ng lahat ng magtitiwala sa Kanya. Sinisimbolo nito ang pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay para iligtas ang lahat sa kaparusahan sa kasalanan. Ang kamatayan Niya sa krus ang nagpapatunay sa hindi mailarawang pagmamahal ng Dios sa atin.