Minsan, nabalisa at nabagabag ako sa aking mga pinoproblema. Pero pumayapa ang loob ko sa sinabi ng aking kaibigan na kapwa ko manunulat. Sinabi niya sa akin, “Kita kitá”. Nais niyang iparating sa simpleng salitang iyon na nagmamalasakit siya sa akin at nakikita niya ang mga pinagdaraanan ko.
Ang pagpapalakas ng loob na iyon ng kaibigan ko ang nagpaalala sa akin kay Hagar. Si Hagar ay isang alipin sa sambahayan ni Abram na binanggit sa Lumang Tipan ng Biblia. Matagal na panahon na walang anak sina Abram at ang asawa niyang si Sarai. Sa kultura nila, maaari silang magkaanak sa pamamagitan ng kanilang alipin. Kaya sinabi ni Sarai kay Abram na anakan niya si Hagar. Nang mabuntis na si Hagar, ininsulto naman niya si Sarai. Dahil doon, minaltrato ni Sarai si Hagar. Tumakas si Hagar at pumunta sa isang liblib na lugar.
Nakita naman ng Dios ang paghihirap at pinagdaraanan ni Hagar. Pinalakas ng Dios ang loob niya sa pamamagitan ng pangako na dadami ang kanyang lahi. Pagkatapos ng pangyayaring iyon, tinawag ni Hagar ang Dios na ‘El Roi’ na ang ibig sabihin ay “Ang Dios na Nakakakita”. Naramdaman kasi ni Hagar na hindi siya nag-iisa o pinabayaan ng Dios (GENESIS 16:13).
Tulad ni Hagar, nakikita at minamahal din tayo ng Dios. Maaaring maramdaman nating pinabayaan o iniwan tayo ng ating mga mahal sa buhay. Pero alalahanin natin na nakikita ng Dios ang lahat tungkol sa atin pati ang mga itinatago nating takot at saloobin. Makikita natin sa Salita ng Dios ang makakapagpalakas ng ating loob.