Sa aming lugar, marami na ang nagrereklamo sa patuloy na pagkawala ng kuryente. Minsan, tatlong beses sa loob ng isang linggo ito nangyayari at tumatagal ng 24 oras. Madilim ang buong lugar at mahirap para sa amin ang kumilos sa loob ng bahay.
Sa tuwing nawawalan ng kuryente, madalas itanong sa akin ng kapitbahay kong nagtitiwala rin sa Panginoong Jesus, “Maipagpa- pasalamat pa rin ba ito sa Dios?” Iniisip kasi niya ang sinabi sa 1 Tesalonica 5:18, “Magpasalamat kayo kahit ano ang mangyari dahil ito ang kalooban ng Dios para sa inyo na mga nakay Cristo Jesus” (ASD). Lagi naman nating isinasagot, “Oo naman, dapat tayong magpasalamat sa Dios sa lahat ng bagay.” Pero sinasalungat natin ang sinasabi nating ito tuwing nagrereklamo tayo kapag may hindi magandang nangyayari.
Isang araw, nagbago ang pananaw ng kapitbahay ko tungkol sa pagpapasalamat sa Dios. May sasakyan kasing bumangga sa poste ng kuryente sa tapat ng bahay nila. Naputol ang mga kable nito at tumama sa mga bahay. Umiiyak siyang lumapit sa akin at sinabi, “Salamat sa Dios na walang kuryente ng mga oras na iyon! Kung nagkataon, baka nasunog ang bahay namin at namatay kami ng pamilya ko.”
Maaaring nahihirapan tayong magpasalamat sa Dios dahil sa mabibigat na problemang ating kinakaharap. Alam man natin o hindi kung bakit ito nangyayari, magpasalamat pa rin tayo sa Dios. Ginagamit Niya ang mga pinagdaraanan natin para matuto tayong magtiwala sa Kanya.