May nakita akong maliit at kulay ubeng bulaklak na nag-iisa sa damuhan. Sigurado akong wala pang nakakakita ng ganoong bulaklak at marahil hindi na iyon makikita pang muli. Naisip ko tuloy kung bakit doon pa iyon tumubo.
Kailanma’y hindi nasasayang ang ganda ng kalikasan. Araw-araw nitong ipinapakita ang kabutihan, kagandahan at ang katotohanan tungkol sa Dios na siyang lumikha nito. Araw-araw din nitong ipinapahayag ang kaluwalhatian ng Dios. Nakikita ba natin ang kagandahan ng Dios sa pamamagitan ng Kanyang mga nilikha o wala tayong pakialam sa tuwing nakikita natin ito?
Ipinapahayag ng buong sangnilikha ang kagandahan at kaluwalhatian ng dakilang Manlilikha. Kaya, nararapat na Siya’y sambahin, purihin at pasalamatan.
May natutunan naman ang manunulat na si C.S. Lewis kung paano tayo masasanay na maging mapagpasalamat sa Dios. Minsan, nagpunta sa gubat si Lewis kasama ang kanyang kaibigan. Mainit ang panahon noon. Tinanong niya ang kanyang kaibigan kung paano sasanayin ang sarili na maging mapagpasalamat sa Dios. Huminto sa isang batis ang kanyang kaibigan at naghilamos. Pagkatapos, sinabi nito kay Lewis, “Bakit hindi mo simulang magpasalamat sa pamamagitan ng simpleng bagay na ito?” Natutunan ni Lewis sa pagkakataong iyon na masasanay tayong maging mapagpasalamat sa Dios kung sisimulan nating magpasalamat saan man tayo naroroon.
Nawa’y maging mapagpasalamat tayo sa Dios. Simulan nating magpasalamat sa mga simpleng bagay tulad ng munting bulaklak, pag-ihip ng hangin, inakay na ibon at ng pag-agos ng tubig.