Bumenta ng 2 milyong kopya sa buong mundo ang librong isinulat ni Marie Kondo na taga Japan. Tungkol iyon sa pagbibigay ng payo kung paano aayusin ang mga gamit sa bahay. At kung ano ang mga bagay na dapat pa bang itabi o itapon na. Ipinayo ni Marie na hawakan mo raw ang isang gamit sa inyong bahay. Tapos, tanungin mo raw ang sarili kung masaya ka pa rito. Kung masaya ka pa sa gamit na iyon, itabi mo. Pero kung hindi na, itapon o ibigay nalang sa iba.
Hinihikayat naman ni apostol Pablo ang mga nagtitiwala kay Jesus na nasa Filipos na laging maging masaya sa Panginoon. Sinabi ni Pablo, “Magalak kayong lagi sa Panginoon! Inuulit ko, magalak kayo” (FILIPOS 4:4 ASD). Sinabi pa ni Pablo na sa halip na mag-alala, “Ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan ninyo sa pamamagitan ng panalangin...at bibigyan kayo ng Dios ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso ninyo at pag-iisip dahil kayo’y nakay Cristo Jesus” (TALATANG 6-7 ASD).
Hindi lahat ng ating ginagawa sa araw-araw ay ginagawa natin nang masaya. Maaari naman nating itanong kung paano naman natin mapapasaya ang Dios at ang ating sarili sa ating ginagawa. Kung susuriin natin ang ating pananaw tungkol sa ating ginagawa, magkakaroon ito ng magandang epekto sa kung paano natin gagawin ang isang bagay.
Lagi nating alalahanin ang mga ipinayo ni Pablo na nagdudulot sa atin para lagi tayong magalak: “Mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na…totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda at kanais-nais” (TAL. 8 ASD).