Minsan, nagtext sa akin ang matalik kong kaibigan. Sinabi niya, “Masaya ako na nasasabi natin sa isa’t isa ang mga magaganda at masasamang nangyayari sa ating buhay.” Matagal na kaming magkaibigan. Kaya naman, sanay na kaming damayan ang isa’t isa sa lungkot at saya. Alam namin na hindi kami perpekto kaya nagtutulungan kami sa aming mga pinagdadaanang pagsubok. Ikinagagalak din namin ang mga tagumpay na nararanasan ng isa’t isa.
Matalik din na magkaibigan sina David at Jonathan na binanggit sa Lumang Tipan ng Biblia. Nagsimula ang pagkakaibigan nila sa masayang pangyayari nang talunin ni David si Goliath na kanilang kaaway (1 SAMUEL 18:1-4). Dinamayan din nila ang isa’t isa sa panahong natatakot sila sa ginagawa ng ama ni Jonathan dahil sa selos nito kay David (18:6-11; 20:1-2). At sa huli, sabay nilang hinarap ang pangit na pangyayari dulot ng planong pagpatay kay David ng ama ni Jonathan (20:42).
Hindi nang-iiwan ang isang mabuting kaibigan sa anumang sitwasyon, mabuti man o masama. Hihikayatin din tayo ng ating mabuting kaibigan palapit sa Panginoon sa panahong lugmok tayo dahil sa mga problema at parang gusto nang lumayo sa Dios.
Regalo ng Dios ang mga tunay na kaibigan dahil sila ang nagpapaalala sa atin kay Jesus bilang tapat na kaibigan. Handa Niya tayong samahan sa mabubuti at masasamang nangyayari sa ating buhay. Ipinangako ni Jesus sa atin, “Hinding-hindi Ko kayo iiwan o pababayaan man” (HEBREO 13:5 ASD).