Minsan, isinandal ko ang ulo ko sa isang unan at nanalangin. Iniisip ko sa panahong iyon na para bang nakasandal ako kay Jesus. Sa tuwing ginagawa ko iyon, naaalala ko ang sinabi sa Biblia tungkol kay Juan na apostol ni Jesus. Isinulat ni Juan ang tagpo kung saan nakasandal siya kay Jesus noong huling hapunan nila. Sinabi ni Juan, “Nakasandal kay Jesus ang tagasunod na minamahal Niya” (JUAN 13:23 ASD).
Sa talatang iyon, si Juan mismo ang tinutukoy na ‘tagasunod na minamahal ni Jesus’. Malalaman natin sa tagpong iyon na nakaupong lahat sa sahig ang mga alagad at si Jesus. Habang magkakasama sila sa hapagkainan, “Nakasandal [si Juan] kay Jesus at nagtanong” (JUAN 13:25 ASD).
Nailalarawan din naman ng tagpong iyon kung gaano kalapit sa atin ang Dios. Hindi man natin nahahawakan o nakakausap nang mukhaan si Jesus, maipagkakatiwala pa rin natin sa Kanya ang ating buhay. Lalo na sa panahon na humaharap tayo sa mabibigat na problema. Sinabi ni Jesus, “Lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin at bibigyan Ko kayo ng kapahingahan” (MATEO 11:28 ASD). Napakapalad ng mga nagtitiwala kay Jesus sapagkat maaasahan natin Siya na laging handang tumulong sa anumang pangyayari sa ating buhay. Si Jesus ang matibay nating masasandalan anumang oras. Kaya, sumandal na kay Jesus ngayon.