Nagkaroon ng problema ang anak ko at asawa niya. May sakit ang kanilang panganay at kailangang dalhin sa ospital. Nakiusap sila sa amin na sunduin ang kanilang 5 taong gulang na anak na si Nathan sa eskuwelahan. Masaya naman kaming mag-asawa na gawin iyon.
Nang masundo na namin si Nathan, tinanong siya ng asawa ko. Ang tanong niya, “Nagulat ka ba na kami ang sumundo sa iyo ngayon?” Sagot ni Nathan, “Hindi po!” Kaya, tinanong namin siya kung bakit hindi siya nagulat. Sinabi niya, “Dahil alam ko po ang lahat."
Maaaring sabihin ng 5 taong bata na nalalaman niya ang lahat pero siyempre mas marami tayong nalalaman kaysa sa kanila. Pero kahit na ganoon, madalas naman na marami tayong tanong. Nagtatanong tayo tungkol sa mangyayari sa ating buhay. Pero nakakalimutan natin na nalalaman ng Dios ang lahat kahit hindi man natin alam kung bakit nangyayari ang mga bagaybagay.
Ipinapahayag sa Lumang Tipan ng Biblia na nalalaman ng Dios ang lahat at lubos Siyang nagmamalasakit sa atin. Halimbawa nito ang sinabi ni Haring David sa kanyang awit, “Panginoon, sinisiyasat N’yo ako at kilalang-kilala...Nakikita N’yo ako habang ako’y nagpapahinga o nagtatrabaho. Ang lahat ng ginagawa ko ay nalalaman N’yo” (AWIT 139:1,3 ASD). Napakasayang malaman na lubos tayong minamahal ng Dios at nalalaman Niya ang ating mga pinagdaraanan. Tutulungan Niya tayo sa paraan na higit na makakabuti para sa atin.
Hindi mahalaga kung may limitasyon ang mga nalalaman natin. Pero ang mahalaga ay ang magtiwala tayo sa Dios na nakakaalam ng lahat.