Kilala si Tomas na binanggit sa Biblia na isang taong madaling mag-alinlangan (TINGNAN ANG JUAN 20:24-29). Ilan ba sa atin ang maniniwala kung ang namumuno sa atin na namatay ay muling nabuhay? Kaya parang hindi tama na iyon lang ang sasabihin natin tungkol kay Tomas.
May pagkakataon naman kasi na ipinakita ni Tomas ang kanyang katapangan. Nang mamatay ang kaibigan ni Jesus na si Lazaro, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad na babalik sila sa Judea (JUAN 11:7). Pero sumagot ang mga alagad ni Jesus, "Guro, kamakailan lang ay tinangka Kayong batuhin ng mga Judio. Bakit pa Kayo babalik doon?" (TAL. 8 ASD). Pero buong tapang na sinabi ni Tomas, "Sumama tayo sa Kanya kahit mamatay tayong kasama Niya" (TAL. 16 ASD).
Maganda ang hangarin ni Tomas pero hindi ito nakita sa kanyang ginawa. Nang arestuhin si Jesus, tumakas si Tomas kasama ng ibang alagad (MATEO 26:56). Iniwan nila si Pedro at Juan na kasama si Jesus nang dalhin sa harap ng punong pari ng mga Judio. Hanggang si Juan na lang ang natirang kasama ni Jesus hanggang ipako Siya sa krus.
Kahit nakita ni Tomas ang muling pagkabuhay ni Lazaro (JUAN 11:38-44), nag-alinlangan pa rin siya na muling nabuhay ang Panginoong Jesus. Gayon pa man, nang makita ni Tomas si Jesus, pasigaw niyang sinabi, “Panginoon ko at Dios ko” (JUAN 20:28 ASD). Sinabi naman sa kanya ni Jesus, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo Ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila Ako nakita” (TAL. 29 ASD).