Gustong imbestigahan ni Maryanne Firth na isang tagapagulat ang isang pangyayari. Bigla kasing may kumalat na mga karatula sa kanilang bayan na nakasulat ang salitang "Mahal Kita." Pero, walang nangyari sa kanyang pagiimbestiga. Makalipas ang isang linggo, muli na namang may kumalat na karatula pero iba na ang nakasulat doon. Petsa at pangalan ng lugar ang nakasulat.
Kaya, nang sumapit ang petsa na nakasulat sa karatula, maraming tao ang pumunta sa lugar. Pumunta rin si Maryanne. Pagdating doon, nakaharap niya ang isang lalaking nakamaskara. Inabutan siya nito ng isang palompon ng bulaklak at nagtanong kung puwede ba siyang pakasalan. Masayang tinanggap ni Maryanne ang alok ng lalaki dahil iyon mismo ang kasintahan niyang si Ryan.
Maituturing nating magarbo ang pagpapahayag ng pagmamahal ni Ryan kay Maryanne. Pero mas magarbo ang pagmamahal ng Dios sa atin. “Ipinakita ng Dios ang Kanyang pag-ibig sa atin nang isinugo Niya ang Kanyang Anak dito sa mundo para sa pamamagitan Niya, magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan” (1 JUAN 4:9 ASD).
Si Jesus ay hindi lang basta simbolo ng pagmamahal ng Dios sa atin na parang mga rosas na ating ibinibigay. Siya ang Dios na nagkatawang-tao at nag-alay ng Kanyang buhay para sa lahat. Sa gayon, ang lahat ng sasampalataya kay Jesus ay magkakaroon nang maayos na relasyon sa Dios. Wala na ring makapaghihiwalay sa mga mananampalataya sa “pag-ibig ng Dios na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus” (ROMA 8:39 ASD).