Sinabihan ng aking ina ang 4 taong gulang na si Elias na huwag hahawakan ang mga kuting. Kaya, nang makita niyang kumakaripas ng takbo si Elias palayo sa mga kuting, tinawag niya ito. Tinanong niya si Elias, "Hinawakan mo ba ang mga kuting?" Sagot ni Elias, "Hindi po!" Nagtanong naman muli ang aking ina, "Malambot ba ang mga kuting?" Sabi ni Elias, "Opo, ngumingiyaw pa nga."
Maaaring matawa tayo sa ginawa ng bata. Pero ang ginawa niyang pagsuway ay nagpapakita ng kalagayan ng mga tao: Likas na makasalanan. Kaya, kahit walang nagturo sa bata, nagawa niyang magsinungaling. Sumasangayon dito si haring David. Sinabi niya, “Ako’y makasalanan at masama mula pa noong ako’y isilang, kahit noong ipinaglilihi pa lang ako” (AWIT 51:5 ASD). Sinabi naman ni Pablo na apostol ni Jesus, “Dumating ang kasalanan sa mundo dahil sa paglabag ni Adan sa utos ng Dios. At dahil sa kasalanan, dumating din ang kamatayan...dahil nagkasala ang lahat” (ROMA 5:12 ASD). Mayaman ka man o mahirap, bata man o matanda, lahat tayo ay mamamatay dahil sa kasalanan.
Gayon pa man, may pag-asa pa. Sinabi ni apostol Pablo, “Ibinigay ng Dios ang Kautusan para ipakita sa mga tao na marami ang kanilang pagsuway at nadadagdagan pa nga... Pero kung nadadagdagan ang pagsuway, higit na nadadagdagan ang biyaya ng Dios” (ROMA 5:20 ASD).
Hindi hinihintay ng Dios na malugmok tayo sa kasalanan. Kaya, ipinadama Niya sa atin ang Kanyang pagmamalasakit at kapatawaran. Kailangan lang na aminin natin sa Dios na makasalanan tayo at humingi ng kapatawaran na may pagtitiwala kay Jesus.