Gumagawa ng mga obra si Noah Purifoy mula sa mga patapong bagay. Noong 1965, gumawa siya kasama ng kanyang mga kaibigan ng isang obra. Ginamit nila ang sirang T.V at mga sirang gulong. Pinuri naman si Noah ng isang manunulat na isa raw siyang dalubhasa sa paggawa ng obra mula sa mga itinapon na ng mga tao. Ipinaparating ng kanilang obra ang pagtrato sa mga taong binabalewala ng lipunan.
Noong panahon naman ni Jesus, binabalewala at nilalayuan ng lipunan ang mga taong may nakakahawang sakit at mga taong may diperensya sa katawan. Itinuturing silang mga makasalanan na pinarurusahan ng Dios. Pero nang makaharap ni Jesus ang isang bulag, sinabi Niya na hindi dahil sa kasalanan kung bakit naging ganoon ang kalagayan niya. Nangyari iyon para maipakita ang kapangyarihan ng Dios. Sinabi pa ni Jesus, “Habang Ako’y nasa mundong ito, Ako ang Ilaw na nagbibigay liwanag sa mga tao” (JUAN 9:5 ASD). Kaya nang sinunod ng bulag ang iniutos sa kanya ni Jesus na dapat gawin, muli siyang nakakita.
Tinanong naman ng mga pinuno ng relihiyon ang lalaking gumaling tungkol sa nangyari sa kanya. Sinabi niya, “Ang alam ko lang ay dati akong bulag pero nakakakita na ngayon” (TAL. 25 ASD).
Ang Panginoong Jesus pa rin ang pinakadalubhasa pagdating sa pagsasaayos ng mga bagay o buhay sa mundong ito. Lahat tayo ay maituturing na patapong bagay dahil sa ating mga kasalanan. Pero magagawa ni Jesus na ayusin muli ang ating buhay at muling gawing napakagandang obra.