Natutuwa akong pagmasdan ang payapa at asul na langit. Ito ang isa sa pinakamagandang obra ng Dios na talagang masisiyahan tayong pagmasdan. Isipin n’yo kung gaano kasaya ang mga piloto sa tuwing nakikita nila ang kalangitan. Marami silang tawag sa panahon kung kailan magandang lumipad ang eroplano sa himpapawid. Ang paborito kong pantawag nila ay ang sinasabi nilang, “Makikita mo hanggang sa kinabukasan ang ganda ng langit.”
Wala tayong kakayahan na malaman ang mangyayari sa hinaharap. Minsan nga ay hindi rin natin malaman kung ano ang mangyayari sa atin sa araw na ito. Sinabi naman sa Biblia, “Hindi ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo bukas. Sapagkat ang buhay ay parang hamog na lilitaw nang sandali at mawawala pagkatapos” (SANTIAGO 4:14 ASD).
Ang kawalan natin ng kakayahan na malaman ang mangyayari sa kinabukasan ay hindi dahilan para mawalan tayo ng pag-asa. Maipagkakatiwala kasi natin sa Dios ang ating buhay na siyang nakakaalam at nakakakita ng ating hinaharap. Nalalaman ni Pablo na apostol ni Jesus ang katotohanang ito. Kung kaya’t pinalakas niya ang ating loob sa pagsasabi na, “Namumuhay tayo sa pananampalataya at hindi ayon sa bagay na nakikita” (2 CORINTO 5:7 ASD).
Hindi tayo dapat mag-alala kung ano ang mangyayari sa ating buhay. Ipagkatiwala natin sa Dios ang mangyayari sa araw na ito at maging sa mga susunod pang mga araw. Mamuhay tayo nang ayon sa nais ng Dios na siyang nakakaalam ng ating patutunguhan at makakabuti sa atin.