May isang gusali sa bansang Rwanda na tinatawag na Lighthouse. Nakatirik ito sa lugar kung saan maraming tao noon ang pinatay. Itinayo ng mga nagtitiwala kay Jesus ang Lighthouse para maging simbolo ng kaligtasan at pag-asa sa mga tao doon. Nagtuturo rin sila ng Salita ng Dios para magabayan nila ang bagong henerasyon na siyang mga susunod na mamumuno sa bansa nila. May mga lugar doon kung saan maaasikaso nang maayos ang mga tao tulad ng hotel, kainan atbp. Ginawa ang lugar na iyon para ipakita sa mga tao na si Jesus ang nagliligtas at nagbibigay sa atin ng pagasa. Siya rin ang nagbibigay sa atin ng bagong buhay mula sa pagkalugmok.
Pumunta naman si Jesus sa lugar kung saan sumasamba noon ang mga Israelita. Binasa ni Jesus doon ang sinabi ni propeta Isaias. Tapos, sinabi ni Jesus na Siya ang hinirang para ipahayag ang kagandahang-loob ng Dios (TINGNAN ANG LUCAS 4:14-21). Si Jesus ang tinutukoy ni propeta Isaias na nagpapalakas ng loob ng mga nabibigo. Siya rin ang nag-aalok sa atin ng kapatawaran at kaligtasan sa kaparusahan sa kasalanan. Sa pagtitiwala natin kay Jesus, magkakaroon tayo ng isang bagong buhay kahit humaharap tayo sa matitinding pagsubok (ISAIAS 61:3).
Makikita natin ang matinding kasamaan sa nangyaring pagpatay sa bansang Rwanda na halos kalahating milyong katao ang namatay. Gayon pa man, nalalaman natin na maililigtas tayo ni Jesus sa kasamaan. Siya ang nagbibigay sa atin ng kagalakan sa panahon na humaharap tayo sa mabibigat na problema.