Hindi kumpleto ang pagdiriwang ng mga taga Mexico kung walang piñata. Kadalasan, ang piñata ay palayok na may lamang mga kendi atbp. Pinapalo ito hanggang sa mabasag para makuha ang laman nito.
Ginagamit naman noon ng mga monghe ang piñata para turuan ang mga katutubo sa Mexico. Ang piñata na ginagamit nila ay gawa sa karton at hugis bituin. Sumisimbolo raw sa pitong kasalanan ang mga kamay ng bituin. Ito ang pagiging mayabang, maiinggitin, matakaw, mahalay, magagalitin, sakim at pagiging tamad. Ipinapakita raw ng pagpalo sa piñata ang pakikipaglaban ng mga tao sa kasalanan. Tapos, kapag nakuha na ang laman ng piñata, ipinapakita naman nito ang natanggap nating pagpapala bunga ng pagtatagumpay sa kasalanan.
Gayon pa man, ang sariling pagsisikap para labanan ang kasalanan ay hindi natin makakaya. Itinuturo ni Pablo na apostol ni Jesus na “dahil sa biyaya ng Dios, naligtas [tayo] nang sumampalataya [tayo] kay Cristo. Regalo ito ng Dios, at hindi galing sa inyo” (EFESO 2:8 ASD). Hindi tayo ang tumalo sa kasalanan kundi si Jesus.
Kailangang mabasag ang piñata para makuha ng mga bata ang laman nito. Pero ang inaalok na regalo ng Dios ay makukuha lamang kung magtitiwala tayo kay Jesus. Kalakip ng regalong iyon “ang lahat ng pagpapalang espirituwal mula sa langit” (EFESO 1:3 ASD). Ang mga pagpapalang iyon ay pagkakaroon ng kagalakan, kapatawaran, kaligtasan sa kaparusahan sa kasalanan at marami pang iba. Sa kagandahang-loob ng Dios, ibinibigay Niya ang mga pagpapalang iyon kahit hindi ito karapat-dapat para sa atin.