May pag-aaral na ginawa sa isang unibersidad sa Boston na nasa Amerika. Tungkol iyon sa kung paano kumakalat ang balita noong mga taong 1800 sa pamamagitan ng diyaryo kumpara sa internet ngayon. Ayon sa pag-aaral nila, kapag 50 beses na raw noon inilimbag muli ang tungkol sa isang balita, nagviral na daw ito. Ang ibig sabihin ng viral ay kumalat ang balita. Sinabi ng isang manunulat na si Britt Peterson, naging viral din daw noong 1900 ang balita sa pagpatay sa mga taong nagtitiwala kay Jesus.
Pinuri naman ni apostol Pablo ang mga sumasampalataya kay Jesus na taga Tesalonica sa pagiging matapang nila sa pagpapahayag ng tungkol kay Jesus. Sinabi ni Pablo, “Mula sa inyo, umalingawngaw ang mensahe ng Panginoon. Hindi lang sa Macedonia at Acaya nabalitaan ang pananampalataya n’yo sa Dios kundi sa lahat ng lugar” (1 TESALONICA 1:8). Mabilis kumalat ang Magandang Balita dahil sa mga taong ito na binago ni Jesus ang buhay. Kahit dumanas sila ng pagsubok at nabingit sa kamatayan ang buhay nila dahil sa kanilang pagtitiwala kay Jesus, hindi sila nanahimik kundi ipinahayag nila ang Magandang Balita.
Maipakita nawa nating mga mananampalataya ang pagiging mabuti, matulungin at tapat sa ating mga sinasabi. Sa gayon, maipaparating natin sa mga tao ang tungkol sa pagpapatawad at pagbibigay ni Jesus ng buhay na walang hanggan. Binabago ng Salita ng Dios ang buhay natin maging ang mga nakakasalamuha natin.
Umalingawngaw nawa mula sa atin ang Magandang Balita tungkol kay Jesus.