Amazing Race ang isa sa mga paborito kong panoorin sa telebisyon. Sampung pares na magkasintahan o magasawa ang kasali. Dinadala sila sa iba't ibang bansa para magkarerahan patungo sa dapat nilang puntahang lugar. May mga pagkakataon na kailangan nilang sumakay ng tren, bus, taksi, bisikleta o kaya naman tumakbo na lang. Ang unang makakarating sa lugar ang siyang mananalo at magkakamit ng 1 milyong dolyar.
Inihalintulad naman ni Pablo na apostol ni Jesus ang buhay ng mga mananampalataya sa isang karera. Sinabi ni Pablo, “Mga kapatid, hindi ko sinasabing naabot ko na ang ganap na buhay. Ngunit ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at pinagsisikapan kong makamtan ang nasa hinaharap. Tulad ng isang manlalaro, nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala” (FILIPOS 3:13-14 ASD). Kinakalimutan na ni Pablo ang nakaraan niyang pamumuhay. Hindi niya hinahayaan na maapektuhan siya ng dati niyang mga kabiguan. Hindi niya rin naman hahayaan na maging kampante siya dahil sa mga natatamo niyang tagumpay sa kasalukayan. Nagpapatuloy siya sa kanyang hangarin na maging katulad ni Jesus.
Ganito rin ang karera ng buhay ng mga nagtitiwala kay Jesus. Kaya, dumaranas man tayo ng kabiguan o katagumpayan, magpatuloy tayo sa hangaring lalo pang maging tulad ni Jesus. Nagpapatuloy tayo sa karera ng buhay, hindi lamang para makamit ang katagumpayan dito sa lupa. Sa halip, nagpapatuloy tayo para matamasa ang mga inilaan ni Jesus sa mga nagtitiwala sa Kanya sa walang hanggan.