Maraming taon na ang lumipas nang mamatay sa isang aksidente ang dalaga kong anak na si Melissa. Gayon pa man, lagi pa rin akong napapaisip at napapatanong sa sarili nang ganito: Ano kaya? Sa panahon kasi na nakakaramdam ako ng kalungkutan sa tuwing naaalala ko ang nangyari sa anak ko, iniisip ko kung ano kaya kung iba ang nangyari. Maliligtas kaya si Melissa?
Pero ang totoo, hindi makakabuti sa atin ang mamuhay sa tanong na 'Ano kaya?'. Puno kasi ng pagsisisi, pagdududa at kawalan ng pag-asa ang tanong na iyon. Kaya naman, mas madali nating malalampasan ang pagdadalamhati at dinaranas na kalungkutan kung sa Dios tayo umaasa.
Sa halip na manangan sa tanong na iyon, magtiwala tayo sa Dios at mapaparangalan pa natin Siya. Bibigyan Niya rin tayo ng pag-asa, lakas ng loob at kaginhawaan. Tiyak ang pag-asang mula sa Dios (1 TESALONICA 4:13). Mayroon naman si Melissa ng katiyakang iyon nang magtiwala siya sa Panginoong Jesus. Kapiling na siya ni Jesus at ito’y higit na “mas mabuti” (FILIPOS 1:23 ASD). Sa tuwing nagdadalamhati naman tayo, nariyan ang “Dios na laging nagpapalakas ng ating loob” (2 CORINTO 1:3 ASD). Siya ang “pinakahandang saklolo sa oras ng kagipitan” (AWIT 46:1 ASD). Maaasahan din natin ang kapwa mananampalataya na magpapalakas ng ating loob.
Ninanais nating lahat na walang trahedyang mangyayari sa ating buhay. Pero sa panahon na humarap tayo sa ganoong sitwasyon, magtiwala tayo sa Dios na siyang tutulong sa atin. Siya ang magbibigay sa atin ng tiyak na pag-asa.