Si Caleb na binanggit sa Biblia ay laging sumusunod nang buong puso sa mga iniutos sa kanya. Kasama noon si Caleb sa labindalawang Israelita na isinugo para imbestigahan ang lupaing ipinangako ng Dios sa kanila. Nang makabalik na sila, sinabi ni Caleb, “Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lusubin na natin sila sapagkat kaya natin silang gapiin” (BILANG 13:30 MBB). Pero sinabi naman ng sampu niyang kasama na hindi raw sila magtatagumpay. Ang kawalan ng kakayahan ng mga Israelita ang nakita nila (TAL. 31-33).
Pinanghinaan naman ng loob at nagreklamo ang mga Israelita sa Dios sa ibinalita ng sampung kasama ni Caleb. Nagdulot tuloy ito ng pagkaantala para mapasakanila ang lupang ipinangako ng Dios. Tumagal ito ng 40 taon. Gayon pa man, buo pa rin ang loob ni Caleb na tutuparin ng Dios ang Kanyang pangako. Kaya sinabi ng Panginoon, “Si Caleb na Aking lingkod ay papapasukin Ko sa lupain na kanyang tiningnan, dahil iba ang kanyang paguugali sa iba at sumusunod siya sa Akin nang buong puso. Maninirahan ang kanyang mga angkan sa lupaing iyon” (BILANG 14:24 ASD). Tinupad naman ng Dios ang pangako Niya makalipas ang 45 taon. Sa edad na 85 taon, minana ni Caleb ang lupain ng Hebron “dahil matapat [niyang] sinunod ang Panginoon, ang Dios ng Israel” (JOSUE 14:14 ASD).
Ilang daang taon ang lumipas, tinanong naman si Jesus kung ano ang pinakamahalagang utos ng Dios. Sinabi ni Jesus, “ ‘Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos sa lahat” (MATEO 22:35-38 ASD).
Tulad ni Caleb, sumunod tayo sa Dios nang buong puso at buong pagtitiwala sa Kanya.