Ilang taon na ang nakakalipas nang imbitahan ako ng kaibigan ko na manood sa paligsahan ng larong Golf. Nang makarating na kami, binigyan nila ako ng mga regalo, babasahin tungkol sa golf at mapa ng buong lugar. Pero ang pinakamaganda ay ang makaupo kami sa isang lugar na para sa mga espesyal na tao kung saan libre ang pagkain at maayos ang mauupuan. Iniisip ko na kung ako lang ang pupunta roon, hindi ako makakapasok sa lugar na iyon. Tanging sa pamamagitan lamang ng kaibigan ko kung kaya’t nakapasok ako sa espesyal na lugar na iyon.
Gayon din naman sa buhay natin, wala tayong magagawa para makalapit sa Dios. Tanging sa pamamagitan ng pagtitiwala lamang kay Jesus na nagalay ng Kanyang buhay para sa atin, saka lang tayo makakalapit sa Dios. Sinabi ni Pablo na apostol ni Jesus, “Ginawa ito [ng Dios] upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Dios na nahahayag sa iba't ibang paraan” (EFESO 3:10 MBB). Sa karunungang ito ng Dios nagkaroon ng pagkakaisa ang mga Judio at hindi Judio sa pamamagitan ni Cristo na siyang daan para makalapit tayo sa Dios Ama. “Sa pananampalataya natin kay Cristo Jesus at pakikipag-isa sa kanya, tayo ngayon ay malaya nang makakalapit sa Dios nang walang takot o pag-aalinlangan” (TAL. 12 ASD).
Kung magtitiwala tayo kay Jesus, makakatanggap tayo ng napakagandang pribilehiyo – makakalapit tayo sa Dios na nagmamahal at nagnanais na maging maayos ang ating relasyon sa Kanya.