May isinulat sa isang pahayagan ang manunulat na si Ariana Cha tungkol sa proyektong ginagawa ng ilang bilyonaryo. Ikinuwento ni Ariana ang pagsisikap ng mga bilyonaryo na mapahaba ang buhay ng tao hanggang sa hindi na dumanas ng kamatayan. Nais nilang talunin ang kamatayan. Handa rin silang gumastos ng bilyon para sa proyektong ito.
Ang totoo, huli na sila. May tumalo na sa kamatayan. Ang Panginoong Jesus iyon. Sinabi ni Jesus, “Ako ang bumubuhay sa mga namatay at ako rin ang nagbibigay ng buhay. Ang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay. Ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman” (JUAN 11:25-26 ASD). Tinitiyak ni Jesus sa mga sumasampalataya sa Kanya na anuman ang mangyari, hindi na sila mamamatay. Ibig sabihin, mamamatay ang katawan ng mga mananampalataya at hindi ito mapipigilan. Pero ang ating iniisip, alaala at pagmahahal ay hindi mamamatay.
Regalo ng Dios ang buhay na walang hanggan na Kanyang inaalok. Ang kailangan lang nating gawin ay magtiwala kay Jesus. Sinabi naman ni C. S. Lewis na isang manunulat na marami ang nahihirapan na tanggapin ang alok ng Dios dahil hindi nila matanggap na sa pamamagitan lang ng pagtitiwala kay Jesus maliligtas ang tao.
Sinasabi ko naman na bakit pa kaya gagawing kumplikado ng Dios ang pagkakaroon ng buhay na walang hanggan kung minamahal at nais Niya tayong makasama sa walang hanggan?