Hindi masaya ang binatang si Isaac Watts sa mga kinakanta sa kanilang simbahan. Kaya hinamon siya ng kanyang ama na gumawa ng bagong kanta. Gumawa naman si Isaac. Sumikat ang ginawa niyang kanta na “When I Survey The Wondrous Cross.” Tungkol ito sa mga nararamdaman ni Isaac kapag pinag-iisipan niya ang kamatayan ni Jesus. Itinuring itong pinakamagandang kanta na inaawit ng mga nagtitiwala kay Jesus.
Kapag kinakanta ang ilang sinabi sa kantang ito ni Isaac, mararamdaman natin na parang nasa paanan tayo ng krus habang nakatingin kay Jesus. Sinabi sa kanta: Ang dugo sa Kanyang ulo, kamay, at paa; Umagos ang pagmamahal at ang mga luha; Lungkot at pagibig ay parehong nadama; Koronang tinik naging kaaya-aya!
Maganda ang paglalarawan ni Watts sa pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay na siyang pinakamalungkot na pangyayari sa kasaysayan. Isipin natin na nandoon tayo mismo nang ipako si Jesus. Makikita natin ang paghihirap ng Anak ng Dios, ang pagdidilim ng langit bago Siya mamatay, ang pagyanig ng lupa at pagkahati ng makapal na kurtina sa templo (MATEO 27:51-53). Ang mga pangyaya-ring ito ang nag-udyok sa pinuno ng sundalo na sabihing, “Totoo ngang [si Jesus] ang Anak ng Dios” (TAL. 54 ASD).
May sinabi naman tungkol sa awit ni Isaac ang isang samahan na naglilimbag ng mga tula, “Walang maitutumbas na anumang bagay sa ginawa ni Jesus.”
Hindi kataka-taka na tinapos ni Isaac ang kanyang kanta sa pagsasabi na, “Kahanga-hanga ang pag-ibig ni Jesus sa atin; buong sarili ko sa Kanya’y iaalay din.”