Si Charles Schulz ang lumikha sa sikat na Peanuts komiks. Noong namatay siya, ikinuwento nang kanyang kaibigan at kapwa manunulat na si Cathy Guisewite ang tungkol sa kabaitan at pagiging maawain ni Charles.
Kuwento ni Cathy, “Lumikha siya ng mga karakter sa komiks na kung saan nararanasan ng mga ito ang mismong nararanasan ng mga tao. Dahil doon naging malapit sa atin ang mga karakter na ginawa niya. Pinalakas ni Charles ang ating loob. Dinamayan niya tayo. Pinaramdam niya na siya’y katulad natin kaya naiintindihan niya tayo. Inilapit mismo ni Charles ang kanyang sarili sa atin nang sa gayon ay maramdaman natin na hindi tayo nag-iisa.”
Sa tuwing nakakaramdam naman tayo ng pag-iisa at hindi natin maramdaman ang pagmamahal ng iba, alalahanin natin si Jesus na nagbigay ng Kanyang buhay para sa atin. Ipinapakita sa aklat ng Hebreo na naging tao rin katulad natin si Jesus noong Siya ay nabuhay dito sa mundo (2:14).
Naranasan ni Jesus ang mamatay para sa lahat at sa pamamagitan nito inalis Niya ang kapangyarihan ng diyablo sa kamatayan (TAL. 9 AT 14). Pinalaya Niya rin tayo sa takot sa kaparusahan sa kasalanan na umaalipin sa atin (TAL.15). Nagkatawang-tao si Jesus para maging katulad natin Siya sa lahat ng bagay. Nang sa gayon, “magiging punong pari [natin Siya]…na makapaghahandog sa Dios para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng tao” (TAL.17 ASD).