Ipinagmamalaking ipinakita ng matandang babae sa kanyang mga kaibigan ang dalawang litratong hawak niya. Makikita sa unang litrato ang kanyang anak na babae. Ang sumunod naman ay litrato ng bagong silang niyang apo. Anak ito nang nasa unang litrato. Namatay siya noong ipinapanganak niya ang sanggol.
Nilapitan naman ang matanda ng kaibigan niya at tiningnan ang mga litrato. Pagkatapos, naluluha niyang sinabi, “Naiintindihan ko ang pinagdaraanan mo.” Namatay din kasi ang anak nitong lalaki kaya nauunawaan niya ang nararamdaman ng matanda.
Naiintindihan tayo ng iba kapag pinagdaanan din nila ang pinagdadaanan natin. Bago dakpin si Jesus, sinabi niya sa Kanyang mga alagad, “Kayo’y iiyak at tatangis, subalit ang sanlibutan ay magagalak.” Pero pinalakas din ni Jesus ang loob nila sa pagsasabi na, “Kayo’y malulungkot, subalit ang inyong kalungkutan ay magiging kagalakan” (TAL. 20). Ibig sabihin, makakaranas sila ng matinding kalungkutan sa pagkadakip at pagkapako ni Jesus sa krus pero kapag nabuhay na Siyang muli, mapapalitan ito ng kagalakan.
May ipinahayag naman si Isaias tungkol kay Jesu-Cristo, “Tiniis Niya ang mga sakit at mga kalungkutang dapat sana’y tayo ang dumanas” (ISAIAS 53:4). Naiintindihan ni Jesus ang ating paghihirap dahil naranasan Niya mismo ang paghihirap sa krus. Darating ang araw na mapapalitan ang ating kalungkutan ng kasiyahan dahil makikita na natin si Jesus ng harapan.