Kung minsan, hindi pa man ako tapos magsalita, alam na ng asawa ko ang susunod kong sasabihin. Ganoon din ako sa kanya. Sa higit na 30 taon naming pagsasama bilang mag-asawa, mas lalo naming nakilala ang isa’t-isa. Kaya may pagkakataon na hindi na namin kailangan pang tapusin ang aming mga sinasabi para magkaintindihan. Sa isang tingin at isang salita lang, kuha na namin ang nais naming sabihin.
Dahil sa aming pagkakaintindihan, naging kumportable kami sa isa’t-isa. Parang isang lumang sapatos na hindi mo magawang maitapon dahil kumportable ka rito at kasyang-kasya sa’yo. Kung minsan naman, may paglalambing naming tinatawag ang isa’t-isa na “ang luma kong sapatos.” Batian namin iyon na kung hindi kami gaanong kilala ng iba ay baka hindi nila maintindihan. Nagkaroon kami ng natatanging pagkakaintindihan bunga ng maraming taon naming pagmamahalan at tiwala sa isa’t-isa.
Nakakapagbigay ng kaaliwan sa atin ang malaman na naiintindihan tayo ng Dios. Sinabi ni Haring David, “Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko, o Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo” (AWIT 139:4). Isipin mo na kausap mo si Jesus at sinasabi mo sa Kanya ang laman ng iyong puso at lahat ng gusto mong sabihin. Napakagandang malaman na hindi na natin kailangan pang humanap ng tamang salita para makipag-usap sa Dios. Minamahal Niya tayo at lubos na naiintindihan.