Naging magandang alaala sa aming mag-asawa ang hapunan namin sa bahay kasama ang mga pamilyang bisita namin galing sa limang bansa. Maganda ang naging kuwentuhan namin dahil ikinukuwento ng bawat isa ang kanilang karanasan sa pagtira sa London. Kung nasiyahan ang aming mga bisita sa mainit naming pagtanggap sa kanila, mas lalo kaming nasiyahan sa pagbisita nila. Bukod sa nagkaroon kami ng mga bagong kaibigan, marami rin kaming natutunan mula sa kanila.
Natapos ang aklat ng Hebreo sa mga aral ng manunulat tungkol sa magandang pakikitungo sa iba, kasama ang pagtanggap sa mga bisita. “Sapagkat sa paggawa nito ang iba ay nakapagpatuloy na ng mga anghel nang hindi nila namamalayan” (13:2). Maaaring sina Abraham at Sarah ang tinutukoy nito.
Mababasa natin sa Genesis 18: 1-12 na sila ay nagpatuloy ng tatlong hindi nila kilala, inasikaso nila sila at pinaghanda ng masasarap na makakain na kagawian sa panahong iyon ng Biblia. Hindi nila alam na ang inasikaso at pinatuloy nila ay mga anghel pala.
Hindi natin hinihingan ng kapalit ang pagtanggap sa mga bisita pero kadalasan mas marami pa tayong natatangap kaysa sa naibibigay sa kanila. Hayaan nawa natin ang Dios na kumilos sa ating buhay para ipakita ang Kanyang pagmamahal sa mga bisita natin.