Si Haring Canute ang isa sa pinakamakapangyarihang tao noong mga taong 1100. May sikat na kuwento tungkol sa kanya. Minsan daw, nasa tabing dagat si Haring Canute. Dahil tumataas na ang tubig, inutusan niya ang dagat na huminto. Iniisip kasi ni Haring Canute dahil hari siya, dapat lahat ng nasa paligid niya ay susunod sa kanya. Pero hindi iyon nangyari, patuloy na tumaas ang dagat at nabasa ang kanyang mga paa.
Madalas ikuwento iyon para maipakita ang pagmamataas ni Haring Canute. Pero ang totoo, kuwento iyon ng pagpapakumbaba. Sinabi ni Canute, “Walang magagawa ang kapangyarihan ng mga hari sa mundong ito. Tanging ang Dios lamang ang sinusunod ng langit at ng dagat.” Nais iparating ni Haring Canute na ang Dios ang pinakamakapangyarihan sa lahat.
Ito rin naman ang nalaman ni Job. Napagtanto niya na napakaliit natin kumpara sa Dios na naglagay ng pundasyon sa mundo at nag-uutos sa araw na sumikat at lumubog sa gabi (JOB 38:4-7,12-13). Pinauulan Niya ang nyebe hanggang maipon sa isang lugar at nagsasabi sa mga bituin kung kailan sila dapat lumitaw (TAL. 22, 31-33). Ang Dios lamang ang nagiisang makakapagpasunod sa mga alon at hindi ang sinuman sa atin (TAL.11; MATEO 8:23-27).
Magandang alalahanin ang kuwento ni Haring Canute sa tuwing nararamdaman natin na nagiging mapagmataas na tayo. Maglakad tayo sa dagat at utusan ang alon para tumigil o kaya naman utusan ang araw na lumubog na. Sa gayon, maaalala natin na wala tayong maipagyayabang at makikita natin ang kadakilaan ng Dios. Pasalamatan natin ang Dios na siyang naghahari sa atin.