Tatlong beses inulit ang salitang Mayday kapag may nagbabantang panganib sa paglalakbay sa karagatan o sa himpapawid. Nagmula ang salitang ito kay Frederick Stanley Mockford noong 1923. Nagtatrabaho siya sa London Croydon Airport. Ayon sa National Maritime Museum, hinango ito ni Mockford sa salitang Pranses na m’aidez na ang ibig sabihin ay “tulungan mo ako.”
Humingi naman ng tulong si Haring David nang manganib ang kanyang buhay. Pero kahit parang nawawalan na siya ng pag-asa, buo pa rin ang pagtitiwala ni David sa Panginoon. Sinabi ni David sa kanyang awit, “Pakinggan Mo, Yahweh, ang aking dalangin, tulungan Mo na po, ako’y Iyong dinggin. Dumaraing ako kapag mayro’ng bagabag, Iyong tinutugon ang aking pagtawag” (AWIT 86:6-7 MBB).
Matapos malagpasan ni David ang panganib, nagpasya siyang patuloy na magtiwala sa Dios. Humingi siya ng tulong sa Dios kung ano ang dapat niyang gawin. Idinalangin niya, “Ang kalooban Mo’y ituro sa akin, at tapat ang puso ko na ito’y susundin; turuang maglingkod nang buong taimtim” (TAL. 11 MBB).
Maaaring mas tumibay ang ating relasyon sa Panginoon kapag dumaranas tayo ng mabibigat na pagsubok. Mangyayari ito kung sa Dios tayo laging hihingi ng tulong at gabay para malaman natin ang Kanyang ninanais para sa atin.