Minsan, naisip ko na pahabain ang balbas ko habang bakasyon. Iba’t ibang komento ang natanggap ko mula sa aking mga kaibigan at katrabaho. Nagustuhan ng marami ang bago kong hitsura. Pero isang araw, nagpasya akong ahitin na ang aking balbas dahil parang ibang tao na ako.
Naisip ko tuloy na ang bawat isa ay may sari-sariling pagkatao at kung bakit may mga bagay na sakto sa iba pero hindi naman sa atin. Ginawa kasi tayo ng Dios na magkakaiba ang katangian at kagustuhan. Kaya, ayos lang naman kung hindi natin gusto ang kinahihiligan ng iba. Nilikha ang bawat isa sa atin na natatangi at kahanga-hanga (AWIT 139:14). Sinabi naman ni apostol Pedro na binigyan ng Dios ang bawat isa ng natatanging kakayahan para mapaglingkuran ang iba (1 PEDRO 4:10-11).
Magkakaiba rin ang mga katangian ng mga alagad ni Jesus. Pabigla-bigla si Pedro kaya naman tinaga niya ang tainga ng isang alipin nang arestuhin si Jesus. Nag-alinlangan naman si Tomas kaya humingi siya ng ebidensya bago siya maniwala na nabuhay muli si Cristo. Gayon pa man, kahit ganoon ang kanilang katangian, tinanggap pa rin sila ni Jesus. Binago sila ni Jesus nang sa gayon maging kagamit-gamit sila sa paglilingkod.
Sa pagnanais nating paglingkuran ang Dios, mahalagang bigyang-pansin natin ang ating mga kakayahan at katangian. Maaaring iparanas sa atin ng Dios ang mahihirap na sitwasyong hindi natin nakasanayan para lalong mahubog ang ating katangian. At sa gayon, mapaglilingkuran natin Siya nang ayon sa nais Niya. Maluluwalhati natin ang Dios kung maglilingkod tayo sa paraang nais Niya.