May tren sa London na maraming sakay. Nakipagtulakan at nang-insulto doon ang isang pasahero sa nakipag-unahan sa kanya. Matapos ito, nangyari ang hindi inaasahan. Ang tao palang itinulak at ininsulto niya ay ang taong mag-iinterbyu sa kanya para sa isang trabaho. Isipin mo na lang ang pakiramdam ng isang taong nakita ang nasaktan niya at sa ’di inaasahan, iyon din pala ang magiinterbyu sa kanya.
Ganito rin ang nangyari kay Saulo na nagpapahirap sa mga nagtitiwala kay Jesus. Hindi niya inaasahan na makakaharap niya si Jesus sa pamamagitan ng isang nakakasilaw na liwanag (MGA GAWA 9:1-2). Narinig ni Saulo ang isang tinig, “Saulo, Saulo! Bakit mo Ako inuusig?” (TAL. 4). Tanong ni Saulo, “Sino ka ba, Panginoon?” Sumagot ang tinig sa kanya, “Ako’y si Jesus na iyong pinaguusig” (26:15).
Sinabi ni Jesus na kung paano natin pinakikitunguhan ang mga nagugutom, nauuhaw, mga nabilanggo at mga hindi natin kakilala ay nagpapakita ng ating relasyon sa Kanya (MATEO 25:35-36). Tandaan natin na kapag ating tinulungan o sinaktan ang iba, kay Jesus natin ito ginagawa.