Hindi masyadong mayaman ang aking lolo at lola. Pero, sa tuwing ipinagdiriwang namin ang Pasko, hindi ito naging hadlang para bigyan nila ako at ang aking mga pinsan ng masaya at makabuluhang Pasko. Laging maraming pagkain, may kasiyahan at punong-puno ng pagmamahal sa aming tahanan. Mga bata pa lamang kami, alam na namin na si Cristo ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Pasko.
Nais naming mag-iwan ng ganito ring pamana sa aming mga anak. Nang magkasama-sama ang aming buong pamilya noong nakaraang Disyembre para ipagdiwang ang Pasko, naalala namin na nagsimula ang magandang tradisyong ito mula sa aming lolo at lola. Hindi man nila kami mapapamanahan ng pera, itinanim naman nila sa aming mga puso ang pagmamahal, pagrespeto at pagtitiwala sa Dios. Sa gayon, kami at ang kanilang mga apo ay matutularan ang kanilang halimbawa.
Mababasa naman natin sa Biblia ang tungkol kay Loida at kay Eunice na nagbahagi kay Timoteo ng kanilang tapat na pananampalataya sa Dios (2 TIM. 1:5). Ang impluwensiya nilang ito ang tumulong kay Timoteo upang maibahagi sa iba ang mabuting balita.
Maipapamana rin natin ang ating pagsunod sa Dios sa mga nakakasalamuha natin. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga itinuro ng Panginoon. Maipapadama natin sa kanila ang pagmamahal ng Dios sa tuwing pinagmamalasakitan natin sila. Kapag naipapakita natin sa iba ang pagmamahal ng Dios, nag-iiwan tayo sa kanila ng walang hanggang pamana.