Sa ibang kultura, pinapauna sa pagpasok sa isang silid ang mas nakakatanda kaysa sa nakakabata. Sa ibang kaugalian naman, ang isang taong may mas mataas na katungkulan ang siyang unang pinapapasok. Kahit na magkakaiba ang ating mga kinaugalian, may mga pagkakataon na mahirap para sa atin na paunahing pumili ang ibang tao lalo na kung tayo talaga ang may karapatan na unang pumili.
Mababasa sa Lumang Tipan ng Biblia na nagkaroon ng maraming ariarian si Abraham at ang pamangkin niyang si Lot. Dahil dito, hindi na naging sapat ang pastulan para sa mga alaga nilang hayop. Upang maiwasan ang pagtatalo, iminungkahi ni Abraham na maghiwalay sila ng lugar na pupuntahan ni Lot. Pinauna ni Abraham si Lot na pumili ng lugar. Pinili ni Lot ang magandang kapatagan ng Jordan, at kay Abraham naman napunta ang hindi masyadong masaganang lupain.
Hindi ipinilit ni Abraham ang kanyang karapatan na unang pumili ng lupain bilang mas nakakatanda kay Lot. “Kinausap ni Abraham si Lot, Hindi tayo dapat mag-away... Mabuti pa’y maghiwalay tayo. Mamili ka: Kung gusto mo sa kaliwa, sa kanan ako; kung gusto mo sa kanan, sa kaliwa ako” (GENESIS 13:8-9 MBB). Sa halip, ipinagkatiwala ni Abraham sa Dios ang mangyayari sa kanya. Pero, nagkaroon naman ng hindi magandang bunga ang pinili ni Lot para sa kanyang pamilya (TINGNAN ANG GENESIS 19).
Maipagkakatiwala natin sa Dios ang bawat desisyon na ating gagawin. Makakaasa tayo na gagabayan at tutulungan Niya tayo. Nangako rin ang Dios na ibibigay Niya ang ating mga pangangailangan.