Nabasa ko sa dyaryo na mahalaga sa mga atleta ang pagpapahinga. Ayon kay Tommy Manning, isang dating miyembro ng U.S. Mountain Running Team, ang pagpapahinga raw ang isa sa mga gawaing madalas na hindi binibigyang halaga ng mga atleta. Sinabi pa niya na kailangan daw ng katawan ang magpahinga pagkatapos ng nakakapagod na pagsasanay.
Mahalaga rin ang magpahinga sa ating paglilingkod sa Dios. May mga panahon na kailangan nating magpahinga upang makaiwas tayo sa sobrang pagod at panghihina ng loob sa paglilingkod. Nagpahinga rin naman si Jesus nang mapagod Siya sa Kanyang mga ginagawa. Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Pumunta tayo sa ilang para makapagpahinga” (MARCOS 6:31 ASD). Sinabi ito ni Jesus nang bumalik ang Kanyang mga alagad mula sa nakakapagod na pagtuturo at pagpapagaling ng mga maysakit. Pero maraming tao ang sumunod sa kanila, kaya tinuruan sila ni Jesus at pinakain sa pamamagitan ng Kanyang himala sa limang tinapay at dalawang isda (TAL. 32-44). Nang umalis na ang mga tao, “umakyat Siya sa bundok upang manalangin” (TAL. 46).
Maaaring hindi na magiging maayos ang resulta ng ating mga ginagawa kung puro tayo trabaho at hindi man lang nagpapahinga. Inaanyayahan tayo ni Jesus na maglaan ng panahon sa pananalangin at pamamahinga.