Habang naglalakad ako sa isang parke, nabaling ang atensyon ko sa maliliit na halaman na malapit nang mamulaklak. Ang mga bulaklak na iyon ay nagpapahiwatig na malapit na ang tag-init at matatapos na ang panahon ng taglamig.
May mababasa naman tayo sa Lumang Tipan ng Biblia na tila walang katapusan ang panahon ng taglamig. Inutos noon ng Panginoon kay propeta Hosea na pakasalan ang isang babaeng hindi tapat para maipakita ang panlalamig ng mga Israelita sa Dios. Pinayagan itong mangyari ng Dios upang mailarawan ang Kanyang pagmamahal sa mga Israelita (HOSEA1:2-3). Hindi tumupad ang asawa ni Hosea na si Gomer sa kanilang sumpaan bilang mag-asawa. Gayunpaman, pinatawad ni Hosea si Gomer at umaasa si Hosea na lubos siyang mamahalin ng kanyang nagkasalang asawa (HOSEA 3:1-3). Ganoon din naman ang ninanais ng Dios sa atin. Nais Niyang mahalin natin Siya nang may buong katapatan at walang panlalamig.
Paano tayo nakikipag-ugnayan sa Dios? Lumalapit lang ba tayo sa Kanya kapag may problema? Pinapahalagahan lang ba natin Siya sa oras ng kasiyahan? Katulad ba tayo ng mga Israelita na madaling mabaling ang atensyon sa maituturing na mga diosdiosan? Nanlalamig na ba ang ating relasyon sa Dios dahil abala tayo sa maraming bagay at nahuhumaling na magtagumpay?
Nawa’y muli nating ibalik ang init ng ating pagmamahal sa Dios na nagmamahal sa atin nang lubos.