Binigyan ako ng pagkakataon ng aking kaibigan na mabuhat ang kanyang bagong silang na anak. Umiyak agad ang sanggol nang buhatin ko siya. Niyakap ko siya at inihele upang aliwin pero hindi pa rin siya tumigil sa pag-iyak. Kahit na maraming taon na ang aking karanasan sa pagiging isang ina, hindi ko pa rin mapatahan ang sanggol. Pero nang ibalik ko siya sa piling ng kanyang ina, huminto siya sa pag-iyak at pumayapa. Alam ng kaibigan ko kung paano patatahanin ang kanyang anak.
Maihahalintulad din sa pag-aalaga ng isang ina sa kanyang anak ang pagkalinga sa atin ng Dios. Mapagmahal, mapagkakatiwalaan at maaasahan ang Dios gaya ng isang ina sa kanyang anak. Kapag nanghihina tayo, tinutulungan tayo ng Dios at pinalalakas ang loob. Lubos Niya tayong nakikilala dahil Siya ang ating Ama at Manlilikha. “Bibigyan [ng Dios] ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa [Kanya’y] nagtitiwala” (ISAIAS 26:3 MBB).
Sa tuwing dumaranas tayo ng mga mabibigat na problema, makakasumpong tayo ng kapayapaan at kaaliwan. Matatagpuan natin ito sa ating Panginoon na Siyang kakalinga at tutulong sa atin tulad ng pagmamahal ng isang magulang sa kanyang anak.