Mausisa at mahilig magtanong ang apat na taon kong anak. Gustong-gusto ko siyang kausap palagi. Pero, ugali niyang tumalikod habang kinakausap niya ako. Kung kaya't madalas kong nasasabi sa kanya na humarap sa akin para maintindihan ko ang sinasabi niya.
Minsan, iniisip ko na maaaring ganito rin ang nais sabihin ng Dios sa atin. Maaaring may pagkakataon na kinakausap natin ang Dios pero hindi naman tayo nakatuon sa Kanya. May mga sandali na mas nakatuon tayo sa ating sarili at hindi sa katangian ng Dios. Tulad ng anak ko, maaaring nakikipag-usap o nagtatanong tayo nang hindi nakatuon sa ating kausap.
Kung nakatuon tayo sa Dios sa tuwing nananalangin, makikita natin ang Kanyang mga katangian. Mararanasan natin ang Kanyang pagmamahal, pagpapatawad at kagandahang-loob. Marami rin sa ating mga problema ang mabibigyang solusyon kung aalalahanin natin ang mga katangian Niyang ito.
Hinihikayat naman tayo ng mga sumulat ng Awit sa Lumang Tipan na laging magtiwala sa Panginoon at dumalangin sa Kanya (AWIT 105:4). Nang humirang si David ng mga mangunguna para sa kanilang pagsamba at pananalangin, hinikayat niya ang mga Israelita na laging alalahanin ang mga katangian ng Dios (1 CRONICA 16:8-27).
Kung itutuon natin ang ating paningin sa Dios, mananatili tayong matatag at may kapayapaan sa panahon na humaharap tayo sa mga pagsubok.