Si Haring David ang nagplano at nagdisenyo ng templo na itatayo para sa Dios. Siya rin ang nag-ipon ng mga materyales at iba pang kakailanganin para maitayo ito (tingnan ang 1 Cronica 28:11-19). Pero hindi si David ang nagtayo ng kauna-unahang templo sa Jerusalem kundi si Solomon na anak niya.
Sinabi kasi ng Dios kay David, “Hindi [ikaw] ang magtatayo ng templo” (1 CRONICA 17:4). Si Solomon ang pinili ng Dios na magtatayo ng templo. Kahangahanga naman ang naging tugon ni David sa sinabi ng Dios. Itinuon ni David ang kanyang sarili sa kung ano ang gagawin ng Dios at hindi sa kung ano ang hindi niya magagawa (1 CRONICA 17:16-25). Pinasalamatan niya ang Dios at ginawa ang lahat ng kanyang makakaya para maihanda ang mga taong tutulong kay Solomon sa pagtatayo ng templo (TINGNAN ANG 1 CRONICA 22).
Sinabi naman ng isang mangangaral ng Biblia na si J.G. McConville: “Kailangan nating tanggapin na minsan ang paglilingkod sa Dios na gusto nating gawin ay hindi Niya nais na tayo ang magsagawa. Katulad ni David, na inihanda ang mga kakailanganin pero hindi naman siya ang gumawa para matapos ang isang kahanga-hangang bagay.”
Pinapahalagahan ni David ang kaluwalhatian ng Dios kaysa sa kanyang sarili. Ginawa ni David ang buo niyang makakaya para maihanda ang lahat ng kakailanganin ng kanyang anak na si Solomon sa pagtatayo ng templo ng Dios. Masaya din nawa nating tanggapin ang ipinapagawa sa atin ng Dios na may pagpapasalamat. Kumikilos ang Dios sa paraan na mamamangha tayo.