May natutunan na magandang aral ang isang guro na taga Hilagang Amerika sa kanyang mga estudyante na taga Timog Silangang Asya. Pagkatapos niyang bigyan ng pagsusulit ang kanyang klase, nagulat siya nang makita niya ang mga papel ng kanyang mga estudyante. Maraming tanong ang hindi nila sinagutan sa kanilang pagsusulit. Nang isinauli niya ang papel ng mga estudyante, iminungkahi niya sa kanila na sa halip na mag-iwan sila ng blangkong sagot ay mas mabuting hulaan na lamang nila kung alin ang tamang sagot. Isang estudyante ang nagtaas ng kamay at tinanong ang guro ng ganito, “Paano po kung tumama ang hinulaan kong sagot? Ibig sabihin po ba na alam ko ang tamang sagot gayong hinulaan ko lamang po ito?” Mayroong magkaibang pananaw ang guro at ang mag-aaral.
Noong panahon ng Bagong Tipan sa Biblia, may magkakaiba ring pananaw ang mga sumasampalataya kay Jesus na mga Judio at Hentil. Nagtatalo sila sa mga usapin tungkol sa pagsamba at kung ano ba ang dapat kainin o inumin ng isang nagtitiwala kay Cristo. Ipinaalala naman sa kanila ni apostol Pablo na walang sinuman ang may karapatan na husgahan ang pananaw at pananampalataya ng iba.
Ayaw ng Dios na magtalu-talo ang mga mananampalataya. Kaya, ipinapaalala sa atin ng Dios na may pananagutan tayo sa ating mga ginagawa. Gawin natin ang tama ayon sa sinasabi ng Salita ng Dios. Huwag nating husgahan ang iba dahil ang Panginoon lamang ang makakahatol sa tunay na nilalaman ng ating puso (ROMA 14:4-7).