Naatasan ang pintor na si Graham Sutherland na ipinta ang larawan ng sikat na mambabatas na si Winston Churchill. Ipagdiriwang kasi ni Churchill ang kanyang ika-80 taong kaarawan. Nais makita ni Churchill sa larawan ay kung ano ang pagkakakilala sa kanya ng mga tao. Pero sabi ni Sutherland ang iguguhit niya raw ay ang tunay na pagkatao ni Churchill..
Hindi nagustuhan ni Churchill ang pagkakaguhit ni Sutherland. Kaya, pagkatapos na ipakita ito sa mga tao, itinago ito ni Churchill sa kanyang bodega ng mga alak at palihim na sinira.
Katulad ni Churchill, nais nating ang magagandang katangian lang ang makita ng ibang tao. Nais nating makilala tayo na matagumpay, mabuti o matapang na tao. Gagawin natin ang lahat maitago lamang ang mga pangit nating katangian. Maaaring natatakot kasi tayo na hindi na tayo magustuhan o matanggap ng iba kung makikilala nila ang tunay nating katangian.
Nang mabihag ng mga taga-Babilonia ang mga Israelita dahil sa kanilang pagsuway sa Dios, nalugmok sila sa pinakapangit kalagayan. Pero hindi sila dapat matakot dahil kasama nila ang Dios (ISAIAS 43:1-2). Ligtas sila sa Kanyang mga kamay (TAL. 13) at marangal sila sa harapan Niya (TAL. 4). Mahal pa rin sila ng Dios sa kabila ng kalagayang ito.
Kung malalaman natin ang katotohanang mahal tayo ng Dios maging sino pa man tayo (EFESO 3:18), hindi na natin hahangarin pa na maging kalugod-lugod sa mata ng iba.