Marami akong natanggap na mga liham nitong mga nakaraang araw. Hindi ko binibigyang-pansin ang mga liham na nag-aanyaya na para sa akin ay hindi naman mahalaga. Pero nang mabasa ko ang isang imbitasyon, sumagot agad ako na makakapunta. Pagtitipon kasi iyon para parangalan ang isa kong kaibigan. Ipinapakita nito na kapag gusto natin ang isang paanyaya ay kaagad itong tinatanggap.
Mababasa natin sa Aklat ni Isaias ang isa sa pinakamagandang imbitasyon na binanggit sa Biblia. Inimbitahan ng Dios ang mga Israelita nang nahihirapan sila, “Narito ang tubig, kayong mga nauuhaw, ang mga walang salapi ay lumapit din dito, bumili kayo ng pagkain at ito’y kainin ninyo! Bumili kayo ng alak at gatas kahit walang salaping pambayad” (ISAIAS 55:1). Isa itong napakagandang alok ng Dios na magbibigay sa atin ng kagalakan at buhay na walang hanggan (TAL. 2-3).
Inulit ni Jesus ang imbitasyong ito sa huling kabanata ng Biblia. “Sinasabi ng Espiritu at ng babaing ikakasal, ‘Halikayo!’ Lahat ng nakakarinig nito ay magsabi rin, ‘Halikayo!’ Lumapit ang sinumang nauuhaw; kumuha ang may gusto ng tubig na nagbibigay-buhay; ito’y walang bayad” (PAHAYAG 22:17 MBB).
Madalas iniisip natin na saka palang mararanasan ang buhay na walang hanggan kapag namatay tayo. Pero ang totoo, sa sandaling magtiwala tayo kay Jesus ay mayroon na tayo nito. Kaya naman, ang magtamo ng buhay na walang hanggan na inaalok ng Dios ang pinakamagandang imbitasyon sa lahat.