Nagpapasalamat ako sa Dios sa pagkakataon na maalagaan ko ang aking nanay noong may malala siyang sakit. Ipinasya ni nanay na itigil na ang pagpapagamot dahil labis-labis na ang nararamdaman niyang sakit sa tuwing ginagamot. Nais na lamang niya na makasama ang kanyang pamilya sa mga nalalabi niyang buhay. Sinabi rin niya na handa na siyang makasama ang Dios.
Nang mga panahong iyon, humingi ako ng awa sa Dios. Idinalangin ko na gumawa nawa ang Dios ng himala para gumaling si nanay. Pero sa tingin ko, tinugon ng Dios ang dalangin ni nanay at hindi ang sa akin. Nasa piling na ng Dios si nanay at malaya na sa paghihirap at nararamdamang sakit. Habang umiiyak, nasabi ko sa Dios na ang Kanyang kalooban ang siyang masusunod.
Makakaranas din ng mga paghihirap at sakit ang lahat ng tao sa mundong ito. Maging ang mga sumasampalataya kay Jesus (ROMA 8:22-25). Nagiging hadlang naman minsan ang mga nararanasang pagsubok kung kaya’t nahihirapan tayong sabihin sa Dios ang mga dalangin natin. Buti nalang, “namamagitan ang Banal na Espiritu para sa mga mananampalataya kung ano ang ayon sa kalooban ng Dios” (TAL. 27 ASD). Ipinapaalala sa atin ng Dios na kumikilos Siya para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Kanya (TAL. 28). Kahit na minsan, tinutugon ng Dios ang idinalangin ng iba na nagdudulot naman sa atin ng kalungkutan.
Ipagkatiwala natin sa Dios ang ating mga ginagawa dahil may malaking bahagi ito sa Kanyang plano. Magtiwala tayo sa Dios na siyang tutugon sa ating mga dalangin nang ayon sa nais Niya at makakapagbigay sa Kanya ng kaluwalhatian.