May kailangang malaman ang anak ko kaya nagtext siya sa kanyang kaibigan. Makalipas ang ilang sandali, ipinaalam ng kanyang cellphone na nabasa na raw ng kaibigan niya ang mensahe niya. Pero hindi pa rin sumasagot ang kaibigan niya. Nag-alala tuloy ang anak ko. Iniisip niya na baka masama ang loob ng kanyang kaibigan sa kanya kung kaya’t hindi ito nagtetext. Pero nawala naman ang pag-aalala ng anak ko nang makatanggap siya ng text. Pinag-iisipan palang mabuti ng kaibigan niya ang isasagot sa text ng anak ko kung kaya’t natagalan.
Nag-alala rin naman si Propeta Daniel dahil hindi sinasagot ng Dios ang kanyang idinadalangin. Matapos makita ni Daniel ang mangyayaring giyera sa hinaharap, taimtim at buong kapakumbabaan siyang nanalangin sa Dios (DANIEL 10:3,12). Sa loob ng tatlong linggong pananalangin, hindi tinugon ng Dios ang dalangin ni Daniel (TAL. 2,13). Pero pagkatapos noon, dumating ang isang anghel. Ipinaalam nito kay Daniel na narinig at kumikilos ang Dios para tugunin ang idinalangin niya noong unang araw palang na manalangin siya. Hindi man nalalaman ni Daniel ang nangyayari, nalaman naman niya na kumikilos ang Dios sa mga araw na iyon.
Nagtitiwala tayo na naririnig at tinutugon ng Dios ang ating idinadalangin (AWIT 40:1). Pero minsan, nagdudulot ito sa atin ng pag-aalala sa tuwing hindi agad tinutugon ng Dios ang inaasahan nating tulong mula sa Kanya. Madali tayong mag-alala at magtanong kung nagmamalasakit ba ang Dios. Pero ipinapaalala sa atin ng buhay ni Daniel na kumikilos ang Dios sa buhay ng mga nagtitiwala sa Kanya kahit hindi natin ito napapansin