Minsan, naglakad-lakad kami ng asawa ko sa isang kalye sa London. May nagkuwento sa amin na ang kalyeng iyon ay tinatawag na "Kalye ng Taong Banal." Nakatira raw kasi doon ang isang tao na namumuhay nang may kabanalan. Naalala ko tuloy ang isang pangyayari na binanggit sa Lumang Tipan ng Biblia.
Inutusan noon si Saul na isang Israelita na hanapin ang mga nawawalang hayop ng kanyang ama. Maraming araw na hinanap ni Saul at ng kanyang mga kasama ang mga hayop pero wala silang nakita. Gusto na sanang sumuko ni Saul pero sinabi ng utusan niya, “Sandali lang po. Sa lunsod na ito ay may isang lingkod ng Dios. Iginagalang siya ng mga tao sapagkat nagkakatotoo ang anumang sabihin niya. Pumunta tayo sa kanya baka sakaling maituro niya sa atin ang ating hinahanap” (1 SAMUEL 9:6 MBB).
Ang propetang si Samuel ang tinutukoy ng utusan na lingkod ng Dios. Mula pagkabata hanggang sa tumanda, maganda ang relasyon ni Samuel sa Dios. Kilala siya ng mga tao sa lugar nila na isang propeta na namumuhay nang may kabanalan. Kaya, “pumunta si Saul at ang utusan sa bayan kung saan naroon ang propeta ng Dios” (TAL. 10 MBB).
Makita nawa sa atin na namumuhay tayo nang may kabanalan at ayon sa nais ni Jesus. Ganitong buhay ang magandang tumatak sa isip ng mga nasa paligid natin.