Nang magpanibagong antas na ang aking anak sa eskuwelahan, iba na rin ang magiging guro niya. Nalungkot ang anak ko. Gusto niya pa rin kasing makasama ang dati niyang guro. Ipinaunawa naman namin sa kanya na pangkaraniwan lang ang pagpapalit ng guro. Napaisip tuloy ako sa pangyayaring iyon. Mayroon bang pagsasama na panghabang-buhay?
Para kay Jacob na binanggit sa Lumang Tipan ng Biblia, mayroon tayong makakasama sa habang-buhay. Naranasan ni Jacob ang mga pagsubok sa buhay at ang mamatayan ng mga mahal sa buhay. Sa mga pangyayaring iyon, alam niya na lagi siyang may kasama. Kaya naman nang manalangin si Jacob para sa kanyang mga anak, sinabi niya, “Ang Dios na naging Pastol ko simula nang ako’y ipanganak hanggang sa araw na ito... nawa’y pagpalain Niya ang mga batang ito” (GENESIS 48:15-16).
Isa ring pastol si Jacob. Kaya naman naikukumpara niya ang relasyon niya sa Dios bilang kanyang Pastol at siya naman ang tupa. Iniingatan at inaalagaan ng isang pastol ang tupa mula nang isilang ito hanggang lumaki. Pinapatnubayan ng pastol ang mga tupa sa umaga para makakain at pinoprotektahan naman sa gabi. Nagpapastol din naman noon si Haring David kaya ganito rin ang relasyon nila ng Dios. Nasa isip pa ni David ang makasama ang Dios habang-buhay. Sinabi ni David, “Titira ako sa bahay Nʼyo, Panginoon, magpakailanman” (AWIT 23:6 ASD).
Karaniwan lang ang nagpapalit ng guro. Pero napakasayang malaman na mayroon tayong makakasama habang-buhay. Siya ang Dios na ating Pastol na nangakong sasamahan Niya tayo lagi habang nabubuhay sa mundong ito (MATEO 28:20).