Minsan, nagkuwento ang sikat na manunulat na si Rita Snowden tungkol sa pagbisita niya sa isang maliit na bayan. Habang nasa isang kainan daw siya, nabaling ang kanyang atensyon sa naamoy niyang mabango. Kaya, tinanong niya ang empleyado ng kainan kung saan iyon nagmumula. Sinabi naman nito na mula iyon sa mga empleyado ng pagawaan ng pabango. Dumikit na kasi sa damit nila ang amoy ng pabango.
Napakagandang halimbawa naman ito sa kung paano namumuhay ang mga sumasampalataya kay Jesus. Sinabi ni apostol Pablo na tayong mga mananampalataya ay parang pabango ni Jesus na dapat naaamoy kahit saan (2 COR. 2:15). Ginamit naman ni Pablo bilang pag-lalarawan ang buhay ng isang hari na nagtagumpay sa giyera. Maaamoy sa buong kaharian ang mabangong insenso bilang pagpaparangal sa kadakilaan ng kanilang hari (TAL. 14).
Ayon kay Pablo, may dalawang paraan para maikalat o maipahayag sa iba ang tungkol kay Jesus. Una, sa pagsasabi sa iba ng tungkol sa mga ginawa ni Jesus. Ang ikalawa nama’y sa pamamagitan ng ating pamumuhay na tulad kung paano namuhay si Jesus (EFESO 5:1-2). Kahit na walang pakialam ang iba sa ating ipinapahayag, maaari namang maganda ang epekto nito sa buhay ng marami.
Nang mabaling ang atensyon ni Rita sa mabangong amoy, nahikayat siyang hanapin kung saan ito nagmumula. Gayon din naman, kung namumuhay tayo na ayon sa nais ni Jesus, mababaling ang atensyon ng iba papunta kay Jesus. Maipapahayag natin si Jesus sa pamamagitan ng ating mga sinasabi at pamumuhay na ayon sa nais Niya.