Noong 12 taong gulang ako, lumipat ang aming pamilya sa lugar na malapit sa disyerto. Kaya doon na rin ako nagaral. Mainit ang panahon doon kaya pagkatapos ng aming klase agad akong pumunta sa inuman ng tubig. Dahil payatot ako noon, may pagkakataon na tinutulak at inuunahan ako sa pila para makainom. Minsan, nakita ng kaibigan kong si Jose ang pang-aapi sa akin habang nakapila ako. Dahil malaki at malakas si Jose, pinagsabihan niya ang mga kapwa naming bata doon para makainom ako. Mula noon, hindi na ako inaapi ng mga bata doon tuwing pipila para uminom.
Nauunawaan naman ni Jesus ang mga pang-aaping nararanasan natin. Sinabi sa Biblia, “Hinamak [si Jesus] at itinakwil ng mga tao. Dumanas siya ng mga sakit at hirap. Tinalikuran natin Siya, hinamak, at hindi pinahalagahan” (ISAIAS 53:3 ASD). Pero kahit na naranasan ni Jesus ang mga bagay na iyon naging Tagapagligtas natin Siya. Nagkaroon tayo ng pribilehiyo na makalapit at maging maayos ang relasyon sa Dios sa pamamagitan ng pag-aalay ng buhay ni Jesus (HEBREO 10:20). Hindi natin magagawang iligtas ang sarili sa kaparusahan sa kasalanan. Kaya si Jesus ang gumawa nito para sa atin. Kailangan lang nating magsisi sa ating kasalanan at magtiwala kay Jesus bilang ating Tagapagligtas. Sa gayon, matatanggap natin ang Kanyang regalo na kaligtasan.
Si Jesus ang pinakamabuting kaibigan na mayroon tayo. Sinabi ni Jesus, “hinding-hindi Ko itataboy ang mga lumalapit sa Akin” (JUAN 6:37 ASD). Maaaring ipagtabuyan tayo ng iba pero hindi ang Dios.