Minsan, may hindi magandang ginawa ang kaibigan ko sa akin. Alam ko na kahit ganoon ang ginawa niya ay kailangan ko siyang patawarin. Pero parang ang hirap niyang patawarin. Nasaktan ako sa ginawa niya at nagalit. Nag-usap naman kami at sinabi kong napatawad ko na siya. Pero sa tuwing makikita ko siya, bumabalik muli ang sakit. Alam ko na hindi ko pa siya lubos na napapatawad. Pero minsan, tinugon ng Dios ang idinalangin ko sa Kanya. Binigyan Niya ako ng kakayahan na lubusang mapatawad ang aking kaibigan. Pakiramdam ko, lumaya ako sa bigat na aking nararamdaman.
Nasa kaibuturan naman ng puso ng bawat nagtitiwala kay Jesus ang pagpapatawad. Sa pamamagitan ng mismong pagpapatawad ni Jesus kahit na ipinako Siya sa krus. Minamahal pa rin ni Jesus ang mga taong nagsabing ipako Siya sa krus at idinalangin pa sa Dios Ama na patawarin sila. Hindi nagtanim ng sama ng loob si Jesus o kaya naman nagalit. Sa halip, ipinadama Niya ang Kanyang kagandahang-loob at pagmamahal sa lahat ng nakasakit sa Kanya.
Sa tuwing nahihirapan tayong magpatawad, magandang isipin na pinatatawad tayo ni Jesus. Tularan din natin ang ginawa ni Jesus na pagpapadama ng pagmamahal sa mga nanakit sa Kanya. Humingi tayo ng tulong sa Dios at tiyak tutulungan Niya tayong magpatawad kahit na sa palagay natin sobrang hirap nito. Kung magagawa nating magpatawad, makakalaya tayo sa sakit na ating nararamdaman.