Walang ibang lugar ang maihahalintulad sa sarili nating tahanan.” Ipinapakita ng pangungusap na ito ang hinahangad nating lugar na kung saan makakapagpahinga tayo nang maayos na kapiling ang mga mahal natin sa buhay. Ang ganitong paghahangad ng lugar na matatawag nating tahanan ay ninanais din ni Jesus para sa Kanyang mga alagad. Binanggit naman ni Jesus sa Kanyang mga alagad noong kumakain sila ng hapunan na pagpunta Niya sa langit ipaghahanda Niya ng lugar ang Kanyang mga alagad. Ipinangako ni Jesus ang isang lugar kung saan magiging maayos ang kalagayan ng mga alagad. Isang lugar na maituturing nilang tahanan.
Inihanda ito ni Jesus hindi lang para sa Kanyang mga alagad. Kasama doon ang lahat ng magtitiwala kay Jesus. Nangyari ito nang ialay ni Jesus ang Kanyang buhay doon sa krus. Sinisigurado pa ni Jesus sa mga nagtitiwala sa Kanya na muli Siyang babalik para sunduin tayo at isama sa lugar na Kanyang inihanda doon sa langit. Kaya hindi dapat mag-alala sa anumang pagsubok na haharapin ang mga nagtitiwala sa Kanya. Ipinangako kasi ni Jesus na lagi Siyang kasama ng mga nagtitiwala sa Kanya.
Makakapagbigay ng lakas ng loob ang pangako ni Jesus. Mapagtitiwalaan ang Kanyang mga sinabi na ipaghahanda Niya ng tahanan ang mga nagtitiwala sa Kanya (TINGNAN ANG JUAN 14:23).
Saan man tayo nakatira ngayon, kasama natin si Jesus. Pinagmamalasakitan, minamahal at binibigyan Niya tayo ng kapayapaan. Maituturing nating tahanan kahit nasaan man tayo kapag kapiling si Jesus.