Simula nang mailathala noong 1880 ang isinulat ni Lew Wallace, patuloy ang paglilimbag nito hanggang ngayon. Pinamagatang Benhur: A Tale of the Christ ang nobelang isinulat niya. Tungkol ang librong iyon sa buhay ng Panginoong Jesus. Paborito itong basahin noon ng mga nagtitiwala kay Jesus at sikat pa rin hanggang ngayon.
Sinabi naman ng isang manunulat na si Amy Lifson, “Naging daan ang bida sa libro na si Benhur para magtiwala kay Jesus si Wallace.” Nais niyang iparating na nabago raw ng libro ang buhay mismo ni Wallace. Sinabi naman ni Wallace, “Nakita ko si Jesus at ang kamangha-manghang bagay na ginawa Niya na hinding-hindi magagawa ng tao.”
Naitala sa unang apat na aklat sa Bagong Tipan ng Biblia ang buhay ni Jesus. Makikita natin doon ang mga ginawang himala ni Jesus, ang mga salitang nagbibigay ng lakas ng loob at ang Kanyang mga iniutos. Sinabi ni Juan na apostol ni Jesus, “Marami pang himala ang ginawa ni Jesus na nasaksihan ng mga alagad ngunit hindi nakasulat sa aklat na ito. Ang mga nakatala rito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Dios, at upang magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan Niya” (JUAN 20:30-31 MBB).
Kailangang saliksikan ni Wallace ang Biblia para maisulat niya ang kanyang libro. At naging daan ito para magtiwala siya kay Jesus. Kaya naman, kung magbabasa at pagbubulayan natin ang Salita ng Dios, mababago nito ang nilalaman ng ating puso at iniisip. Malalaman din natin na sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jesus, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan.