Nang ipagdiwang naming mag-asawa ang anibersaryo ng aming kasal, namasyal kami. Nanghiram ang asawa ko ng bisikleta kung saan dalawang tao ang puwedeng sumakay at pumidal. Nasa unahan ng bisekleta ang asawa ko at ako naman ang nasa likuran. Nang magsimula na kaming pumidal, napansin ko na natatakpan ng malaking katawan ng asawa ko ang daan, kaya hindi ko masyadong makita ang daan. Wala rin akong kontrol sa bisikleta. Tanging ang nasa harap lang ang may kontrol kung saan kami papunta. Iniisip ko na dapat ba akong mainis dahil wala akong kontrol sa bisikleta o maging masaya habang ipinagkakatiwala ko sa aking asawa ang lahat hanggang makarating kami sa aming pupuntahan.
Ipinagkatiwala naman ni Abraham sa Dios ang lahat nang sabihin sa kanya ng Dios na lisanin niya ang kanyang pamilya at pumunta sa lugar na sinabi ng Dios. Walang sinabi ang Dios na anumang detalye kung saan ang lugar na iyon. Walang ideya si Abraham kung ano ang madadatnan niya at kung gaano katagal siya maglalakbay hanggang makarating sa lugar na iyon. Tanging ang sinabi lang sa kanya ng Dios ay pumunta siya sa lugar na ituturo ng Dios. Ang pagsunod ni Abraham sa sinabi ng Dios kahit walang detalye o kasiguraduhan ay pagpapakita niya ng napakalaking pagtitiwala sa Dios (HEBREO 11:8).
Sa mga panahon na nahihirapan tayo dahil hindi natin alam ang mangyayari sa gagawin nating desisyon, tularan natin ang ginawa ni Abraham. Sumunod siya sa Dios at lubos na nagtiwala. Kung magtitiwala tayo sa Dios, papatnubayan at iingatan Niya tayo.”